Friday, January 13, 2012

Salutation #89

Mapalad ang Bayan na ang Diyos ay ang PANGINOON.


(Hindi Mo Lang Alam)

Hindi mo lang alam -
Pilipinas naming mahal,
- kung gaano kaganda -
ang inihandang bukas
ng Panginoong Diyos mo
para sa iyo.

Hindi mo lang alam ngayon -
Pilipinas naming mahal,
pagka't gabi pa't madilim
at hindi mo pa nakikita
- ang iyong sarili -
kung sino ka talaga.

O bayan kong iniibig -
hindi tayo nabubuhay para sa gabi;
ang diwa ng ating pagka-bansa'y
hindi sumasaatin dahil ito'y madilim.

Hindi tayo naririto -
kapwa ko kapatid nang Pangako,
upang sa tuluyang paglisan nitong kadilima'y
hindi sumikat kasama ng pagdating
ng bukangliwayway para sa ating Pilipinas.

Ang bansa nati'y kagaya ng araw
na sa ating Bandila'y walang kupas ang kinang,
walang takot at walang tigil ang ningning;
araw na nagbibigay sinag
sa kanyang mga talang
- matalas ang kislap -
laban sa mapangahas na kadiliman
nitong gabi ng ating pagdadalamhating
nagpapakilala lamang sa atin
sa darating na umaga.

Mga kapatid kong Pilipino,
ito ang umagang ipinangako sa atin
ng Poon nating Maykapal
- ang nag-iisa nating Diyos -
at Haring kanlungan ng lahat ng mga bansa;
ang paglayang sisikat din
sa pagbubunga ng Kapayapang
magbiyaya sa atin ng lubusang kalayaan
at kaunlaran sa ating mga salinglahi.

O bansang Pilipinas,
lupaing hinirang ng araw,
Pangako mo kapag ito'y nasilayan
ng puso nino man,
kayamanang walang hanggan,
pag-ibig na walang kamatayan.
---<--@