CF Pages

Monday, February 16, 2015

Tungkol sa Mamasapano

Masakit isipin ang Mamasapano. Isa itong trahedya.

Bagama't naidaos nang mga Tagaligtas nating SAF ang kanilang misyon sa Mamasapano mapait pa rin itong isipin. Masakit pa rin sa damdamin nang nakararami ang alaala nito. Bakit?

Sapat ba talaga na 44 na buhay ang ibuwis nang ating kapulisan at nang Bayang nating Pilipinas para sa isang terorista lamang?

May kakulangan ba ang mga opisyal natin sa gobyerno at maging sa PNP sa 44 na ito? At kung meron, sino ang mga ito at ano pa ang ating dapat linawin at isaayos nang Republika sa ngalan ng kanilang alaala upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari?

Ang kabayanihan nang ating SAF 44 (at nang lahat na rin ng ating magigiting na tagapagsilbing sundalo't kapulisan) ay hindi natin dapat malimutan. Iyan po ay totoo.

Subalit 44 na buhay lang ba ang dapat nating pangalanan at alalahanin dito?

Hindi ba ang katotohanan po ay Pilipino lahat nang namatay at namatayan sa Mamasapano? Lahat sila ay responsibilidad nang Estado at sakop nang kapangyarihan ng Republika nating lahat maliban marahil kay Marwan (na isang kilalang banyagang kriminal datapwa't labas at labag sa ating batas ang pinanatili dito).

Ang responsibilidad po at kapangyarihang ito nang Estado at nang Republikang kumupupkop dito ay dapat sana nating pagnilay-nilayan. Dahil sa isip, sa salita, at sa gawa ito ay isinasabuhay natin araw araw sa diwa na rin nang ating sariling kasarinlan.

Paano natin gagamitin ang mga adhikain, prinsipyo't gunitaing nagbubuklod-buklod sa atin bilang isang Republika upang maging makatotohanan tayo sa ating pagka-Pilipino?

Ang prosesong pangkapayapaan ay nakasalalay sa katotohanang tayo pong lahat ay mamamayang Pilipino at may kakayahang mamuhay bilang isang bansang mapayapa. 

Republika po ang ating itinataguyod na katigan nitong kapayapaang ito. Datapwa't sa kadahilanang ang tunay na kanlungan nati'y isa't isa, pakikiramay at pakipag-kapwa tao po nawa'y gamitin ding batayan nang ating pulitika ukol sa mga isyu na umuukol sa Mamasapano habang ito po ay nililinaw.

Hindi po sana natin iatras ang Pilipinas nating lahat sa pagdating nang isang bagong umaga nang kapayapaan dahil sa sakit at kawalan na ating pinagdadaanan dahil sa trahedyang ito. 

Malinaw po sa akin sa kabila nang lahat ang panawagan ni General Espina. Ang itinatanong pa rin po nang puso't isipan ng maraming Pilipino ay kung paano mabibigyang hustisya ang pangyayari para sa lahat...

Para sa lahat.

Huwag po sana tayong mahulog sa kawalan ng pag-asa, manalig at maniwala sa Diyos at sa pangako nang ating Pilipinas na mahal... at nagmamahal.
---<--@