CF Pages

Saturday, October 4, 2014

Nasaan ang Republika?

Nasaan ang Republika?

Isa ba itong multo sa katotohanan,
isang katagang wala namang kabuluhan...
na sa isipan nati'y pawang palutang-lutang.

Ayan ang Republika.
Mga mangingisda't magsakaka
sa karagatan at kabukira'y nangangarap
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Mga drayber ng traysikep at dyip,
mga yosi boy at dyaryo boy nangangarap
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Mga merkado't at mga manininda,
sa palengke, sa kalsada, sa SM at sa mol
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Mga trabahador at mga manggagawa,
konstraksyon man o opisina, pribado o publiko 
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Mga OFW at mga migranteng walang kalimot
mga mandaragat, keyr giber, meyd o propesyonal
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Mga magigiting na sundalo, bumbero't pulis
na malalayang nagsisilbi, sa kurap ayaw magpa-api
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Mga titser at mga magulang nang ating kabataan
na sa sakripisyo'y hindi maiiwanan magpakailanman
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
Lahat nang sa gobyerno'y patuloy sa pagsilbi -
mula sa rurok hanggang sa mga purok nagpapatotoo
nagpapawis... nagbibigay pugay sa pangarap.

Ayan ang Republika.
nangangarap, nagpupugay, kumakanta
umiiyak, umaasa, naniniwala't nagpapawis
nagbabayad ng kanilang buhay at buwis.

Isa ba itong multo sa katotohanan,
isang katagang wala namang kabuluhan...
na sa isipan nati'y pawang palutang-lutang?

Nasaan ang Republika?
---<--@