CF Pages

Tuesday, April 5, 2011

20110405

Diyos ay Katotohanan, Bayan Ko

Ang Diyos ay Katotohanan! Lahat ay pawang panaginip lamang kung ang mga ito ay hindi malayang bumubukal sa Katotohanang ang Diyos ay Diyos at wala nang iba pang Katotohanan maliban sa Kanya.


Kung ang isip at malay ng tao ay pawang gising at malaya, ito ay dahil ang Diyos ay gising sa ating katotohanan sa Kanya.

Kung tayo ay malaya ito ay dahil tayo ay gising din sa katotohanang ang Diyos ay Diyos at wala Siyang katulad sa langit o sa lupa, maging sa lahat ng mga bagay na nakikita o hindi nakikita.

Iisa lamang po ang Diyos nang lahat nang mga ito; ang Poong May gawa nang lahat ng bagay sa lupa man o sa langit.

Sadyang napakabuti po ng Diyos sa tao. Alalahanin natin ang Diyos, Bayan ko. Siya po ang ating mahal na Diyos at Siya lamang.

Ang Diyos po ay ang Katotohanang nagbibigay tanglaw sa tao at laya sa mga bansang iniluklok Niya sa lupa para na rin sa buong sangkatauhan; mga bansang patuloy pa ring naglalakbay patungo sa katuparan ng Kanyang ipinangakong kaligtasan sa atin.

Ang Diyos ay malapit sa tao. Ang Diyos ay Espiritu at ang lahat nang ating mga saloobin ay Kanyang nalalaman. Ang ating mga isip-isipin at mga inspirasyon ay tanglaw ng katotohanang ang Diyos ay Espiritu. Kung ang Diyos po ang lalayo sa atin, tayo pong lahat ay maglalaho sa dilim. Kung magulo ang lagay ng mundo sa ngayon ito ay dahil sa tao na malimit ay nagpupumilit na lumayo sa Kanya.

Nakasisilaw po kasing tumingin sa araw. Pero tayo po ay nabubuhay dahil ang araw ay palaging nakasubahbay sa ating mundo. Hindi naman kailangang itapat ang ating mga mata sa araw para po natin malamang may Liwanag. Dahil po ang Liwanag ay nakikita at nararamdaman po natin sa paligid natin at higit sa lahat sa pusong marunong magtiwala sa Diyos na Siyang tunay na araw na nakasubaybay sa puso ng lahat ng tao.


Sa mga kapwa ko Kristyano, ang Liwanag ng Diyos ay si Kristo Hesus.


Iisa lamang po ang Diyos. Alamin mo ang Diyos, Pilipino. Hanapin mo Siya ng buong puso, buong lakas at nang may kababaang loob.

Hanapin mo Siya sa iyong puso at sa iyong kapwa Pilipino.

Hanapin mo Siya sa mga taong nauuhaw at nagugutom, hanapin mo Siya sa mga taong hubad sa karapatang pangtao, sa mga api at inaalipusta ng lipunang bulag sa kakulangan ng Liwanag at tamad sa mga gawaing nagbibigay buhay sa tao at dangal sa mga bansa ng tao.

Sa bansa nating Pilipinas, Pilipino, magi kang tunay na matapat, maka-Diyos, at makatao. Ikaw ay matutong magsilbi ng mahusay at maligaya.

Walang taong nabubuhay para sa sarili lamang. Walang taong naliligtas dahil sa sarili lamang.


Gawin mo ito ng buong tapang at nang may pananalig sa Katotohanang ang Diyos ay Diyos - wala Siyang katulad at wala nang iba pang diyos maliban sa Kanya.


Hindi relihiyon ang problema, hindi dahil sa tayo ay marami at may iba't ibang kulay, boses, pangarap at pag-iisip ay wala na tayong saysay bilang bansang Pilipinas.

Ang bansa po natin ay itinatag po hindi ng tao kundi ng Diyos para sa tao. Lahat po ng mga ito ay ginawa ng Diyos para sa atin na rin.

Ang ating kasaysayan ay binigyang hugis ng Diyos - lahat ng mga sakit, lumbay, paghihirap, at mga tagumpay nito - upang tayo ay Kanyang akaying unti-unti patungo sa panahong atin na nagayong inaangkin at dapat pangalagaan.

Dahil ito po ay panahon na natin para magising sa mga katotohanang ito.


Ang puso ng Pilipinas ay iisa lamang, Pilipino.

Kung ito ay ating tatanggapin, pangangalagaan at pauunlarin, sa Ngalan na rin ng PANGINOON na Diyos nating lahat, mga kapatid ko, ay walang dahilan para hindi tayo umunlad at umani ng tagumpay.

Masdan mong maiigi ang puso ng ating mga bayani, Pilipino.

Masdan mong maigi ang kagandan, kagitingan, galing at pagmamahal sa kapwa na nabubuhay sa mga puso nila Jose Rizal, Andres Bonifacio, GomBurZa, Gregorio del Pilar, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, Ramon Magsaysay, Ninoy Aquino, atbp. masdan mo ito, mga kapwa ko kapatid sa pangako sapagka't ang pusong ito ay puso mo rin.


Ipinagdasadal ko, kapatid kong Pilipino, na iyong pagninilaynilayan ang tawag ng ating panahon.

Hanapin mo ang Diyos at nawa'y makita at malaman mong muli kung sino ka talaga, Pilipino. Hindi po ito madali. Pero wala na pong makagagawa nito para sa bayang Pilipinas kundi tayo lamang, Pilipino - ikaw at ako.

Ang bayan natin ay lupain ng pangako. Marahil po ay hindi na rin natin makikita at masisilayan ang katuparan ng marami sa mga pangakong ito. Pero kung hindi natin sisimulan ito - naghahari ba talaga ang Diyos sa puso natin? Kilala ba natin talaga ang Pilipinas na ating bansang nagmamahal at naghihirap ngayon.

Mahal mo ba talaga ang Pilipinas - totoo ba siya sa iyo?


Maglalaho po nawa lahat ng balakid, O Diyos, para sa ating mga Pilipino.
---<--@

Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Pilipino.


Mapalad ang Bayan na ang Diyos ay ang PANGINOON.